“Basic” ang kahulugan ng public policy.

Ito ay “government action or inaction”.

‘Yan ang unang itinuturo sa klase sa pamamahalang pampubliko.

“What the people in government do or not do” naman ang ibig sabihin ng public administration.

Polisiya at pamamahala na matatawag kung may nais gawin o wala ang gobyerno.

‘Yan ang katotohanan.

#Lifegoals pa naman ng mga mamamayan na magkaroon ng mga patakaran ang pamahalaan para maging matiwasay ang kanilang pamumuhay.

‘Di naman kasi talaga maihihiwalay ang buhay natin sa takbo ng pulitika sa ating bansa.

Batas ang anomang sabihin at ipatupad ng mga nasa katungkulan.

Mainit-init pa ang pag-aprub ng Kamara sa House Bill 6095 o mas mataas na gastos sa halalan.

Lumaki na ang awtorisadong campaign spending ng bawat kandidato at partido sa halalan.

Umakyat ang papayagang halaga ng gastos sa kampanya para sa kada rehistradong botante sa lugar.

Angat din ang pwedeng gastusin ng mga political party sa halalan.

Sakop sa pagtataas ng pwedeng gastusin ang mga kandidato mula pambansa hanggang lokal na posisyon.

Napapanahon ba na unahin ito ng mga Kinatawan natin sa gitna ng patuloy pang pagtaas ng kaso ng coronavirus?

Naaayon ba sa kasalukuyang realidad ng bansa na pag-usapan ang election spending?

Sa Oktubre 2021 pa ang filing ng certificate of candidacy.

Bakit naging prayoridad ng mga pulitiko sa legistlative agenda nila ang pag-amyenda sa batas ng paggastos sa halalan?

Only in the Philippines.

Isa pang halimbawa ang anti-terror (House Bill 6785 at Senate Bill 1083) na “certified urgent” ng Palasyo.

Sa panahon ng CoViD-19, ito ba ang dapat nasa isip ng Kongreso?

Ang pagkakaalam natin ang virus na ating kalaban ay ‘di nakikita.

Ayaw nating isipin na isang terorista ang tingin ng mga mambabatas sa virus kaya biglaang ipapasa ang panukalang ito.

Maaaring may halaga ang batas na ito bagamat may pagtutol ang ilang kampo pero ang tanong ay napapanahon ba itong pag-aksayahan ng oras ngayon mismo?

Tila ay salungat ito sa daloy ng agos ng tubig sa ilog.

Daig pa ang sangandaan nito.

Sali-saliwa, magulo, maingay, at ang lahat ay gustong makaungos sa traffic light at ibang sasakyan.

Bakit noong 2009, hinintay pa ng administrasyon na hagupitin ang Metro Manila ng bagyong Ondoy bago pa ipasa ang Republic Act 10121 o Strengthening the Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Act?

Kailangan pa ba na may salot o sakuna bago magising, bumangon at kumilos?

Katulad ng second wave ng krisis, hahayaan lang ba natin na mangyari ito bago magtakda ng mga napapanahong batas?

Para maisabatas ang NDRRMC law ay umupo ang lahat, nakipag-ugnayan at nakipag-talastasan para sa akma sa oras na pagkilos.

Batid natin na nagpapahirap sa marami at kumitil na ng mga buhay ang CoViD-19 pero hindi ito maituturing na terorista.

Ibig natin sabihin ay sana ang usisain ngayon ng legislative branch ang paggawa ng mga batas tungkol o may kinalaman sa coronavirus.

Ang agenda setting ay ang unang hakbang ng pamahalaan para ang mga ideya o isyu ay makalap at mapag-isip mula sa iba’t ibang sektor ng bansa.

Lahat ng boses at pananaw ay pinakikinggan ito para kung magawa ang batas o polisiya ay walang ‘di napansin at walang butas ang patakaran.

Dito ay gamit ang lahat ng analysis, framework, model at school of thought para mapanday ang batas.

Ngayon ay nakaangkla dapat ang lahat ng desisyon ng pamahalaan sa datos.

Evidence-based, real time at data driven.

Nagkakagulo pa nga sa reporting ng kaso ng virus sa bansa.

May fresh at late cases ayon sa DOH.

Ano ang kahulugan nito at paano ito makakaapekto sa deklarasyon ng pamahalaan sa bagong panuntunan ukol sa quarantine.

Ang problema sa transportasyon ngayon sa GCQ ay sanhi rin kulang o mali na datos o impormasyon sa pagdedesisyon.

Wala pa man virus ay mahirap na ang laban ng mga mananakay sa EDSA.

Lalo pa ngayon.

Kulang ang pampublikong sasakyan.

Kalahati lang ang kapasidad ng MRT at mga bus.

Sa “single” umaasa ang milyong commuters kung ‘di nila kaya ang mag-taxi o TNVS.

Humigit kumulang 14 na milyong populasyon sa NCR.

Lahat ito ay tumutukoy sa numero.

Bawal ang angkas sa motor kahit misis pa dahil sa physical distancing.

Ang ending, sa trak umangkas si Juan.

Siksikan at walang hawakan.

Alin ang mas delikado at malapit sa kamatayan?

Napag-isipan ba ang policy na ito.

Kung gusto pa rin daw ng angkas ay bumili ng side car.

Wala na ngang makain at umasa na nga sa ayuda ay bibili pa ng side car?

Nawala yata ang practice na kakambal ng theory para ang anomang patakaran ay maging makatotohanan at masasandigan.

Kung sinala ito, makikita ba na rational ang pagkakagawa ng panuntunan?

Makatuwiran ba na dagdagan pa ang hirap ng tao tungo sa paglupig sa virus?

Sa totoo lang ay nangingibabaw ang pagiging mapagpaumanhin at todo-pasa ng mas nakararami.

Dahil nagsawa na, ang ilan nga ay naging bulag, pipi at bingi na rin.

‘Di naman sadyang #reklamador ang mga Pilipino.

Ngunit nasasagad din.

Kaya minsan sila ay tila kalaban ng gobyerno kung ituring.

Sa kanilang pagpapahayag ng isip at damdamin ay napapabilang sila sa animo ay salungat sa takbo ng lipunan.

Nagiging pambansang virus o bacteria sila sa paningin ng ilan.

May mga mulat ngunit ‘di ito kasalanan.

Sila ay mga taong ‘di tatanggap ng pera ng mga pulitiko sa halalan.

‘Di sila dapat gastusan ng anomang halaga sa eleksyon, maliit man o malaki.

Alam nila kung sino ang karapat-dapat.

Para makuha ang buy-in nila ay kailangang maging malinaw ang pagpapahayag ng tunay na layunin.

Iba man sila mag-isip ay ‘di sila kalaban ng bansa o terorista na may dalang panganib.

Sadyang malawak at malalim lang sila, saan mang “kulay” napapabilang.

Sa mga mambabatas natin, tanging hiling lang na magtatanong-tanong mula sa mga #mulat.

Maaaring may maging ambag sila sa pag-iisip at pagkilos.

#Whole of country and government approach po ang tawag ng pagkakataon ngayon.

Iisa lang ang tamang daan.

Panahon na po na ang patunayan na ang “#government in action”.

Kung ‘di ay maging handa na na masabihang “#government inaction”

Kung may katanungan ukol sa Life Coaching o may kwento kayo na nais ibahagi, maaaring mag-email sa coachalextr@gmail.com o magtext sa 0917-5332322.

*Si Lex Rosete ay isang Certified Life Coach mula sa Life Coach Philippines. Isa rin syang guro, trainer at consultant sa communication, human resources management, organization development, at public administration.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

sixteen − 10 =