NABUNYAG na may mga senyales ng mental disturbance si Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil nasipat diumano ito ng dalawang psychiatrist na sumuri sa kanya.
Sinasabing nakita ang sintomas nang mag-apply si Sereno sa puwesto bilang Punong Mahistrado ng SC.
Dalawang psychiatrist na sina Dra. Genuina Ranoy at Dulce Liza Sahagun-Reyes ang sumuri kay Sereno.
Inihayag ng ekspertong si Geraldine Tria nang humarap ito sa panghuling hearing ng House committee on justice nitong Martes na nakitaan ng lima sa siyam na sintomas ng mental disturbance si Sereno.
Kabilang sa mga diumano’y sintomas ng mental disturbance na nakita kay Sereno ay lack of empathy for others, grandiosity for self-importance, interpersonally exploitative of others, self-righteousness at power tripper.
Binanggit ni Tria na kung siya ang tatanungin ay hindi niya irerekomenda na mapabilang sa mga nominado bilang Punong Mahistrado si Sereno.
“I agree with the findings of the psychologists that based on their findings, it is not recommendable,” pahayag ni Tria.
Samantala, sinasabing nasa average o 109 ang intelligence quotient (IQ) ni Sereno.
Kaugnay nito, sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na puwedeng pagbatayan ang nakatas na detalye ng komite sa pagtukoy kung may probable cause ang impeachment complaint laban kay Sereno.
“Mabigat din ‘yun dahil para sa ‘kin, isa ‘yun sa betrayal of public trust eh. Kasi nag-pretend ka na psychologically capable ka eh bumagsak ka naman. Dinaya mo ‘yung taumbayan,” pahayag ni Alvarez kahapon.