Sa bihirang pagkakataon, papanig ang Star sa kalaban sa kanyang sister team.
Tinalo ng Hotshots ang NLEX 101-93 kagabi para tuloy umasa sa isang top four slot sa PBA Governors Cup quarterfinals, isang sitwasyon na mangyayari lang kapag natalo ang San Miguel Beer laban sa Meralco sa second game sa Smart Araneta Coliseum din.
Tinapos ang eliminations sa kartang 7-4, nasa pang-lima ang Star pero aangat ng isang at makukuha ang huling twice-to-beat advantage sa susunod na round kapag nanalo ang Bolts.
Kapag ang Beermen ang nanalo, bantay sa No. 5 ang Hotshots na kailangang manalo ng dalawang beses sa No. 4 para makapasok sa semifinals.
“Now we need to wait, kung ano mangyayari, kung sino makakalaban,” sabi ni Star coach Chito Victolero.
Anuman ang mangyari, masaya na rin si Victolero habang hinihintay kung saan sila at sino ang makakakalaban sa playoffs na mag-uumpisa bukas sa Mall of Asia Arena.
Sina Aldrech Ramos at Kris Acox ang nanguna sa opensa ng Star bago tinapos nina Paul Lee at Mark Barroca ang pagbibigay ng mga huling dagok sa NLEX.
Malaking talo iyon para sa NLEX pagkaraang tumapos din ito sa 7-4. Babagsak ang Road Warriors sa pang-lima kapag nanalo ang Meralco at pang-anim kapag SMB ang nagwagi.
Sa pangunguna ni Aaron Fuller, sinikap ng NLEX na tapusin agad ang laro at lumamang pa ng hanggang 15 puntos sa first half, pero kinapos pa rin sa huli.