Taas-matrikula, ipagpaliban

Mabigat po ang dagok ng pandemya sa ating mga paaralan lalo na sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad. Humantong na nga sa pagbabawas ng mga empleyado at permanenteng pagsasara ng ilang paaralan ang matagal na pagkaudlot ng pasok.

Kaya’t bagamat wala pa rin pong katiyakan ang ganap na pagbubukas ng klase, nauunawaan natin kung bakit maraming mga private Higher Education Institution (HEI) na ang nagbabadyang magtaas ng matrikula para makaagapay sa COVID-19 at pagbaba ng enrollment ngayong taon.

Nabanggit po ng CHED na bago pa man manalanta ang COVID-19, nasa 400 mga HEI na ang nagsumite ng petisyon mula Enero hanggang Marso para sa tuition hike subalit wala pang naaapbrubahan ang Komisyon dahil sa lockdown na ipinatupad sa kalagitnaan ng Marso.

Sakop po ng kapangyarihan ng CHED na mag-apruba ng taas-matrikula at tiyaking sumusunod sa mga alituntunin ang mga HEI subalit wala naman pong kapangyarihan ang Komisyon para kontrahin ang balak ng mga pribadong institusyon na magtaas ng matrikula.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, lubos po nating nauunawaan na salik ng kalidad ng edukasyon ang antas ng matrikula ng mga HEI. Katunayan, sinabi po sa pag-aaral ng UP na may relasyon ang antas ng matrikula sa performance ng mga graduate sa board exam. Mas mataas ang tuition, mas mataas ang passing rate.

Sa konteksto po ng nararanasan nating krisis, pwedeng sabihing “wala sa hulog” ang plano ng mga HEI na magtaas ng matrikula. Dahil po sa nangyaring lockdown, pumalo po sa pinakamataas na antas ang unemployment rate sa bansa na katumbas ng 7.3 milyong Pilipinong walang trabaho.

Malaking alalahanin po sa ating mga kababayan ang anumang dagdag na gastos lalo pa’t nagpahayag na rin ang CHED na hindi na ito tatanggap ng mga bagong iskolar sa ilang mga scholarship program nito.

Kailangan ding lubos na mailatag ang plano para sa “flexible learning” sa mga HEI dahil naka-base po ang taas-matrikula sa “costing” ng mga paaralan. Kung hindi pa po tiyak kung paano pagaganahin ang “flexible learning” at kung ano ang magiging epekto nito sa kalidad ng ating mga graduate, mahirap pong bigyang katwiran ang pagtaas ng matricula sa ngayon.

Kaugnay nito, ang mga petisyon po para sa taas-matrikula ay sinumite sa CHED bago ang pandemya. Samakatuwid, maaaring hindi sinasalamin ng mga panukalang ito ang kasalukuyang krisis at ang pag-shift sa online o blended learning.

Uulitin po natin: hindi po natin sinasagkaan ang planong pagtataas ng matrikula kung makakatulong ito sa pagtataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Nakikiusap po tayo na pansamantala munang suspendihin ito dahil patong-patong na po ang mga problema ng ating mga kababayan.

Naniniwala po tayo na tungkulin ng ating gobyerno na tulungan ang lahat ng mga naapektuhan ng pandemya, higit sa lahat ang mga HEI na may malaking gampanin upang matiyak na makapag-“bounce back” o maka-recover ang ating ekonomiya.

Kaya’t isinusulong po natin ang “Bayanihan 2.0 Bill” na magbibigay daan sa mga ayudang pinansyal tulad ng “one-time cash assistance” sa mga faculty and staff ng mga pribadong HEI gayundin po ang paglulunsad ng “loan program” para pondohan ang implementasyon ng “flexible learning” sa kondisyong wala po munang gagawing taas-matrikula.

Napakahalaga po ng papel ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad kasama na ang mga tech-voc institution para makabangon ang ating ekonomiya.

Patuloy po tayong maghahanap ng paraan para tulungan silang makaagapay sa krisis at mapanatili ang access sa private education at training sa bansa na solusyon naman po para makalikha tayo ng magagandang trabaho para sa ating mga kababayan.