Noong nagdaang Flag Days at Independence Day, isa sa mga naging kontrobersyal na art card na inilabas ng facebook ng Philippine Daily Inquirer ay nagsasabi na ang kahulugan ng walong sinag ng araw sa ating watawat ay ang “8 regions (sic) that started revolting against Spain such as Manila, Bulacan, Cavite, Pampanga, Morong (modern-day province of Rizal), Laguna, Batangas, and Nueva Ecija.”

Maraming umalma na taga-Tarlac. Naaalala nila ang leksyon sa klase na kasama ang Tarlac sa “unang walong lalawigan na nag-alsa” kaya nga proud na proud daw sila. Bakit naman daw tinatanggal? Hindi daw dapat kasama ang Morong.

Umalma din ang Bataan, sabi nila hindi Tarlac at Moron gang kasama kundi sila. Yun nga naman ang sabi ng ebidensya: Ang mismong akta ng proklamasyon ng kasarinlan ng 12 Hunyo 1898 na isinulat ni Ambrosio Rianzares Bautista na nagsasabi: “Ang walong sinag ay kasingkahulugan ng walong lalawigan na nagpasimuno karaka sa pakikidigma; Maynila, Cavite, Bulakan, Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, Laguna at Batangas.”

Ngunit, ang listahan naman na nagsasabing walang Bataan, walang Tarlac pero may Morong ay mula sa isang pahayag mismo ni Pangulong Emilio Aguinaldo! So kung ang dalawang primaryang ebidensya ay nagkakasalungat ano kaya ang paniniwalaan natin?

Sa aking karagdagang pananaliksik na una kong inilabas dito sa Abante sa isang nagdaang kolum (“Ang Mito ng Walong Lalawigan”), hindi pala totoo ang nosyon na may unang walong lalawigan na naghimagsik laban sa Espanyol sa Himagsikang Pilipino dahil hindi naman lahat ng nabanggit na lalawigan ay nagsimula ng pag-aalsa noong 1896 mismo! Pakibasa po ito.

Pero bakit walo? Ang talagang pinagmulan ng bilang na walo ay ang proklamasyon ni Heneral Ramon Blanco na nagsasailalim sa walong lalawigan sa Luzon na pinaghihinalaan na may Katipunan sa ilalim ng Batas Militar noong 30 Agosto 1896 (bagama’t hindi lahat sila ay naghihimagsik na). At dahil po diyan, ito na po talaga ang final final answer: Maynila, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, Cavite, at Batangas.

Muli, walang Morong at walang Bataan.

Ngunit bakit kaya nagkamali sa dalawang bagay ang mismong mga naroon (Ambrosio Rianzares Bautista at Emilio Aguinaldo): (1) sa kung ano ang mga lalawigan na kasama at (2) na nag-aklas na ang mga lalawigang hindi pa pala nag-aaklas? Ayon sa historyador na si Lino Dizon, maaaring sinadya ito dahil si Heneral Francisco Makabulos Soliman ng Tarlac ay hindi sumama sa pagsuko ni Aguinaldo sa Biak-na-Bato at patuloy na lumaban sa mga Espanyol. Ngunit, puwede rin wala pa kasi silang Google noon at talagang nakalimutan lamang nina Aguinaldo na kasama pala ang Tarlac, himagsikan noon at mahirap makuha ang mga dokumento. Itinuwid naman ito ni Aguinaldo sa paglalagay ng mga pangalan ng lalawigan sa disenyong araw sa kanyang kisame kung saan naroon na ang Tarlac.

Kaya, Tarlac nga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

nineteen − 18 =