Malutong kahit ang mga ga-hiblang laman, at lasang-lasa ang pinaghalong tamang-tamang alat, asim at tamis – ganyan ang crispy adobo ng Lutgardo’s Bistro Filipino. Pork at chicken adobo na niluto sa sariling mantikang may bawang, maglalaro sa dila mo ang linamnam.

Ipinatikim din ng Lutgardo’s ang iba pa nilang Filipino dish at napakasarap ng kanilang lumpiang Malabon, pansit Malabon, kalderetang baka, mechadong baka, lengua, inasal na manok at ang kanilang seafood rice. Para kang nasa piyesta sa saya!

Ang kanilang seafood rice ay Filipino version ng paella. Ang nagpalinamnam dito ng husto ay ang Seafresh Foods bagoong na gawa ng kanilang sister company.

Ang pansit Malabon naman ay malasang malasa ang sauce at hindi na kailangang pigaan pa ng kalamansi. Puno rin ng rekado at hindi ka mabibitin kahit sa solo order.

Ang lumpiang Malabon ay Filipino version ng lumpiang Shanghai, na masarap pa rin kahit ilang oras na ang nakalipas mula nang ito ay mailuto. Hindi kasi ito katulad ng ibang lumpia na tinipid ang laman at lasang mantika.

Sariling timpla ni Marites Alonzo Cruz ang lahat ng Filipino dishes sa Lutgardo’s. Ang asawa ni Marites na si Lutgardo ay mula sa pamilyang nagsimula ng pancit Malabon. Talagang marriage made in kitchen heaven!

Pansamantalang nagsara ang kanilang restaurant sa Beacon Tower sa Chino Roces corner Arnaiz Avenue, Makati City noong lockdown. Hindi naman nila pinabayaan ang kanilang mga tauhan at tumulong pa sa mga nangangailangan sa kanilang lugar.

Pero ngayong nag-MECQ, sinabi ni Kaye, ang anak nina Marites at Lutgardo na nagma-manage ng restaurant, na binuksan muli nila ang Lutgardo’s para sa take-out at delivery. Ang kanilang mga pagkain ay inihahanda ng kanyang chef na kapatid na si Michael, katulong ang isa pang kapatid na si Jopet, sa kanilang regularly-sanitized commissary sa Navotas.

Perfect para sa selebrasyon sa bahay o kung gusto mong matikman ang linamnam ng lutong Pilipino, tumatanggap ng orders ang Lutgardo’s sa pamamagitan ng mobile number 0977.214.8417.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

nine + 8 =