Siniguro ng Manila Water Company, Inc. sa mga kustomer na nananatiling ligtas inumin ang tubig sa kabila ng ashfall na dulot ng Taal Volcano na nakakaapekto sa kasalukuyan sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Nagpaalala naman ang kompanya na siguruhing nakatakip ang mga water container ng mga residente para maiwasan na makontamina ng abo.
Ang Manila Water ang nagseserbisyo sa ilang siyudad at munisipalidad kabilang na ang Makati, Mandaluyong, Pasig, Pateros, San Juan, Taguig, Marikina, Antipolo at Rodriguez.
Noong Enero 12 nang sumabog ang Taal Volcano.
Umabot ang ashfall nito sa Metro Manila partikular na sa Quezon City.